Home METRO Labor groups ng Marikina, lumarga kay Quimbo sa Araw ng Paggawa

Labor groups ng Marikina, lumarga kay Quimbo sa Araw ng Paggawa

Lungsod ng Marikina — Sa paggunita ng Araw ng Paggawa, ilang unyon at organisasyon ng manggagawa mula sa iba’t ibang sektor sa Marikina ang sabay-sabay na nagpahayag ng buong suporta sa kandidatura ni Rep. Stella Quimbo bilang alkalde ng lungsod.

Sa isang pahayag na inilabas ngayong araw, kinilala ng mga manggagawa si Quimbo bilang matagal nang kakampi ng sektor, hindi lamang sa mga batas na kanyang isinusulong sa Kongreso kundi pati sa mga konkretong programang nakatuon sa kapakanan ng manggagawang Marikeño.

“Si Teacher Stella ay aming kasangga sa loob at labas ng Kongreso. Kasama namin siya sa laban para sa ligtas na lugar-paggawa, karampatang benepisyo, at sapat na sahod para sa mga manggagawa,” ayon sa kanilang pahayag.

Binigyang-diin rin ng grupo ang kahalagahan ng ekonomista bilang lider, lalo na sa panahong maraming Marikeño ang nangangailangan ng oportunidad sa trabaho.

“Bilang ekonomista, kinikilala niya ang papel ng manggagawa sa pag-unlad. May malinaw siyang plano para sa paglikha ng trabaho dito mismo sa lungsod—hindi kailangang lumuwas o mangibang-bayan para kumita ng disente.”

Ang pormal na pagsuporta ay pinangunahan ng mga sumusunod na lider-manggagawa:
Reynaldo Q. Almendras, Pangulo, Workers Alliance in Marikina / Philip Morris Fortune Tobacco Labor Union
• Ray John Roche Embile, Pangulo, Marikina Valley Medical Center Employees Association – UFSW
• Rino Limson, Pangulo, Delfi Foods Union – FFW
• Mary Grace Llaguno, Pangulo, OFW Tumana Families for Welfare
• Ronald “Hapon” Tanyag, Pangulo, PISDOPPAMA / Dahlia Cooperative

Si Rep. Stella Quimbo ay kasalukuyang nagsisilbi sa kanyang ikalawang termino bilang kinatawan ng ika-2 distrito ng Marikina. Bago siya pumasok sa pulitika, siya ay propesor sa UP School of Economics at miyembro ng Philippine Competition Commission.

Bagamat maaari pa siyang tumakbo para sa ikatlong termino sa Kongreso, pinili niyang tumakbo bilang alkalde dahil sa lumalalang problema sa utang ng lungsod at kakulangan sa mga programang nakatutok sa trabaho at hanapbuhay.

“Hindi sapat ang mabuting intensyon kung kulang sa kakayahan. Kailangan ng Marikina ng lider na marunong sa budget, may malasakit sa manggagawa, at may kakayahang magpatupad ng konkretong solusyon,” ani Quimbo sa isang naunang panayam.

Ang sabayang suporta mula sa sektor ng paggawa ay itinuturing na mahalagang hakbang habang papalapit ang halalan sa Mayo. RNT/NT