MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga labor group sa pamahalaan na protektahan ang kita ng mga manggagawang maaapektuhan ng suspensiyon ng trabaho sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18 dahil sa ASEAN Summit.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 16, Series of 2026, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang sahod ang mga empleyadong hindi papasok sa tatlong araw na special non-working days.
Gayunman, maaari pa ring bayaran ang mga ito kung may mas paborableng polisiya ang kompanya, nakagawiang patakaran o collective bargaining agreement (CBA).
Ang mga empleyadong papasok naman sa mga araw na ito ay may karapatan sa kaukulang premium pay.
Ayon sa Defend Jobs Philippines, maaaring higit na maapektuhan ng polisiya ang mga minimum wage earner, contractual worker at iba pang umaasa sa arawang sahod para matustusan ang kanilang pamilya.
“It is unacceptable for workers to suffer income losses because of work suspensions resulting from the government’s decisions and preparations for an international event,” pahayag ng grupo.
Hinimok nito ang DOLE, Civil Service Commission at Department of Budget and Management na maglabas ng mga direktiba para matiyak ang buong pagbabayad ng sahod sa mga apektadong manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, nang walang kaltas sa kanilang leave credits o iba pang benepisyo.
Nanawagan din ang grupo na tiyakin ang premium pay sa mga empleyadong kailangang pumasok sa mga special non-working days.
Samantala, hiniling naman ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) sa DOLE na ilabas ang bilang ng mga manggagawa at establisimyentong posibleng maapektuhan ng mga abala dahil sa summit.
“How many workers and establishments are expected to be affected? How much income could workers lose? What concrete assistance is being prepared?” tanong ng grupo.
Hiniling din ng SENTRO ang malinaw na datos, konkretong hakbang at takdang panahon ng pagkilos ng pamahalaan.
Nanawagan din ito na tukuyin ang mga apektadong manggagawa, tiyakin ang pagsunod ng mga employer sa kanilang legal na obligasyon at maghanda ng agarang ayuda para sa mga mawawalan ng kita at kabuhayan.
Dapat umanong saklawin ng mga hakbang ang regular, contractual, agency-hired, casual at daily-paid workers, gayundin ang mga informal worker.
Idineklara ng Malacañang na special non-working days sa Metro Manila ang Nobyembre 16 hanggang 18 para bigyang-daan ang pagdaraos ng ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong. RNT/MDS