MANILA, Philippines – Inamin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo, Pebrero 8 na hindi pa tapos ang draft partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa inaakusahang anomalous flood control projects.
Ipinagpatuloy ng Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Lacson, ang pagdinig noong Enero 19, 2026 sa Pasay City. Ito ang unang hearing ng komite para sa taon at tampok dito ang mga paksang “Flooded Gates of Corruption,” “Flooded Gates of Hell,” at “The Philippines Under Water,” kung saan limang bagong testigo ang nagsalita, kabilang ang tatlong may tinagong pagkakakilanlan.
Dahil may mga alalahanin ang ilang senador, sinabi ni Lacson na magsasagawa muli ng pulong ang majority bloc ngayong Lunes, Pebrero 9, upang talakayin ang draft report.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na hindi magbabago ang laman o substance ng ulat, kahit pa may mga babaguhin sa paraan ng pagkakasulat.
“(The version may change) but not in substance… about the use of appropriate language in some of the paragraphs which they said can still be improved,” aniya.
Noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Lacson na inirerekomenda sa draft report ang pagsasampa ng kasong plunder at malversation laban kina Senators Francis “Chiz” Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Nadawit din umano sina fugitive former lawmaker Zaldy Co, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at iba pa, batay sa testimonya ng mga dating public works engineers.
Kailangan ng 11 pirma bago maisumite ang ulat sa plenaryo, kabilang ang isang pirma mula sa minority bloc, partikular kay Minority Leader Sen. Alan Peter Cayetano.
“If he will not sign, we will discuss then how to deal with a committee report that has no signature of the minority (leader),” sabi ni Lacson, at idinagdag na kung kulang sa 11 pirma, walang committee report.
Ipinaliwanag din ni Lacson na partial at unofficial pa lamang ang dokumento at may isa hanggang dalawang hearing pa bago buuin ang final committee report, na hindi pa kasama ang ikapitong hearing ng komite.
Kung sakaling hindi pa rin makalikom ng sapat na pirma, sinabi ni Lacson na maaari itong isumite sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ) bilang “Chairman’s Report.”
Umaasa pa rin si Lacson na maresolba ang mga isyu sa pulong ng majority bloc at makumpleto ang mga pirma upang makausad na ang ulat. RNT/MND