MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Akbayan Party na kumpiyansa sila na ang impeachment complaint na kanilang inendorso laban kay Vice President Sara Duterte ay sapat sa porma at nilalaman.
Ito ay matapos tawagin ni Duterte sa isang recorded video noong Sabado ang bagong impeachment complaint na inendorso ng Akbayan bilang “baseless” at isang “abuse of process.”
“We’re quite confident kasi we’ve improved the complaint further, and we’re confident na ito ay papasa sa sufficiency in form and sufficiency in substance,” sinabi ni Akbayan president Rafaela David.
Ayon kay David, binubuo ang reklamo ng 855 pahina, kabilang ang mga annex na sumusuporta sa mga paratang.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte na inendorso nina Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima ay ang ikalawang inihain matapos lumampas ang one-year bar.
Inihain ito nina Tindig Pilipinas’ Francis “Kiko” Aquino Dee, Sylvia Estrada Claudio, at iba pang civil society leaders, at inakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
“Meron naman tayong ebidensya na we’re excited to show the public and also ‘yung ating mga kongresista ay maipakita rin na walang lugar ang public service dun sa ganung klaseng pang-aabuso, sa ganung klaseng pambubudol,” dagdag ni David.
Hinimok din ni David ang bise presidente na harapin mismo ang mga paratang, pati na ang mga taong nasa likod ng mga umano’y code name gaya ng “Mary Grace Piattos.”
“So once and for all harapin niya na kasi ‘yung mga charges. Hindi ‘yung gagawa siya ng video on a Saturday morning,” ani David.
Binatikos din ni David ang pahayag ni Duterte na walang kredibilidad ang Akbayan at may political motivation umano ang impeachment move, na inuugnay sa planong pagtakbo sa pagkapangulo ng lider ng party-list. RNT/MND