MANILA, Philippines – Pinuna ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Sen. Pia Cayetano na walang umanong tumawag o nag-check sa mga miyembro ng majority bloc matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Sa isang post sa X, kinuwestyon ni Lacson kung paano makakapag-check ang minority bloc kung ang ilang senador ay “masayang kumakain, umiinom ng kape, at nagla-live pa sa Facebook” sa gitna ng insidente.
“How could you even check on people who seemed happily eating, drinking coffee, and even going on Facebook Live…” ani Lacson.
Nauna nang naging emosyonal si Cayetano sa sesyon ng Senado habang tinutugon ang mga pahayag ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa insidente at sa naging pagtugon ng institusyon.
Ayon naman kay Sen. Erwin Tulfo, may mga mensahe umano mula sa parehong majority at minority blocs sa isang WhatsApp group habang nangyayari ang insidente, na taliwas sa pahayag na walang kumustahan.
Sa gitna ng insidente, sinabi ng ilang senador mula sa majority bloc na sila ay nasa caucus nang mangyari ang tensyon, habang itinanggi naman ng minority bloc na sila ay “na-warningan” o may alam sa magaganap na kaguluhan. RNT/MND