MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na susuportahan niya ang paninindigan ng Senado na alisin ang unprogrammed appropriations sa ₱6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026 kapag nagsimula na ang bicameral conference sa Kamara.
“Ang napagkasunduan namin, walang unprogrammed appropriations sa 2026 budget maliban sa mga foreign-assisted projects na kailangan talaga,” ani Lacson sa panayam sa DZMM nitong Sabado.
Tinanggihan ng Kamara ang mungkahing alisin ang ₱250 bilyong unprogrammed funds, na sinasabing ginagamit sa mga kuwestiyonableng proyekto tulad ng flood control.
“Kung mapasama ako sa Senate contingent sa bicam, idadagdag ko ang boses ko kina Sen. Gatchalian at sa mga Pilipinong galit sa korapsyon,” dagdag ni Lacson.
Hinimok din niya ang mga mambabatas na magpakita ng disiplina sa paggawa ng mga pagbabago sa budget bill at limitahan ito sa mga institutional amendments upang mapanatili ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. RNT