MANILA, Philippines — Suportado ng mayorya ng mga senador ang pagsisikap na alisin ang mga kuwestiyonableng alokasyon sa panukalang 2027 national budget, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi ni Lacson na nakikiisa ang Senate majority bloc sa hakbang ni Senate Finance Committee chairman Senador JV Ejercito na suriin at alisin ang mga pondong itinuturing na “unwarranted, whimsical, and corruption-prone.”
Ani Lacson, nakakuha rin si Ejercito ng commitment mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na alisin sa House-approved budget ang mga infrastructure project na kulang sa dokumento kung hindi maisusumite ang kinakailangang requirements pagsapit ng Nobyembre 3.
Batay sa Senate review, tumaas mula 11,420 sa National Expenditure Program ang bilang ng DPWH projects sa 16,244 sa General Appropriations Bill na ipinasa ng Kamara.
Ayon kay Lacson, 6,271 sa mga bagong proyekto ang idinagdag ng mga mambabatas nang hindi dumaan sa paunang pagsusuri ng Executive branch.
Nauna nang sinabi ng senador na isasailalim sa pagsusuri ang lahat ng pagtaas sa DPWH allocations, kabilang ang infrastructure budget ng Ilocos Norte 1st District na kinakatawan ni Rep. Sandro Marcos at nagtala ng pinakamalaking net increase sa House-approved version.
Nakatakdang magbalik ang plenary sessions ng Senado sa Nobyembre 9, habang sinabi ni Ejercito na inaasahang sisimulan ang plenary debates sa proposed 2027 budget sa Nobyembre 23.
Nauna ring kinuwestiyon ni Ejercito ang tinatayang P206 bilyong realignment sa bersyon ng Kamara ng panukalang P7.2-trilyong national budget.
Kabilang sa mga pondong sinabi niyang nabawasan ang para sa foreign-assisted projects, calamity fund, flood mitigation, health facilities, immunization, right-of-way acquisition at health promotion. RNT