MANILA, Philippines – Muling ipinaalala ni dating Senador Bam Aquino sa lahat partikular ang kabataan na hindi dapat mabaon sa limot ang lagim at kalupitan ng Batas Militar na ideneklara ni yumaong Ferdinand Marcos Sr, noong Setyembre 21, 1972 na nagsimula sa diktaduyar nito.
Sa paggunit sa ika-52 taong anibersaryo ng Martial Law, sinabi ni Aquino na hindi dapat mabaon sa limot ang lagim na idinulot ng pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Noong 1972, ideneklara ni Marcos ang Batas Militar base sa pekeng ambush kay dating Defense Minister Juan Ponce Enrile na siyang naghudyat sa diktadurya ng Marcos administration.
Libong mamamayan kabilang ang maraming aktibista ang ikinulong, dinukot na hindi pa natatagpuan hanggang sa ngayon at pinatay dahil kinalaban nito ang diktadurya ni Marcos.
Sa panahong iyon, sinimulan din ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos ang pagkamkam sa kaban ng bayan na hanggang ngayon nililitis sa ilang korte sa bansa hinggil sa kasong ill-gotten wealth.
“Dapat magsama-sama ang taumbayan sa pagbabantay para matiyak na hindi na ito mauulit pa,” ayon kay Aquino.
Aniya, walang puwersang makapipigil sa sama-samang pagkilos ng taumbayan, kahit makapangyarihan pa ang kalaban.
Sa kabila ng kanyang murang edad, namulat si Senador Bam sa katotohanan ukol sa diktadurya at Martial Law.
Nagsilbi pa siyang tagapagsalita sa ilang mga protesta matapos ang pagpatay sa kanyang tiyuhin na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong 1983. Ernie Reyes