NANG maupo bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, inakala ng maraming vendors sa Blumentritt sa Sta. Cruz na mawawalan na sila ng hanapbuhay dahil sa pangako ng alkalde na paglilinis sa mga lansangan.
Karamihan kasi sa vendors sa lugar ay sa mismong lansangan at bangketa sa kalye ng Blumentritt naglalatag ng paninda kaya nangamba sila na mawawalan na sila ng pagkakakitaan sa gagawing paglilinis ng alkalde.
Pero hindi pala sila mawawalan ng hanapbuhay dahil inilagay lang sila sa ayos at inilagay sa mga secondary road para hindi nakakasagabal sa daloy ng trapiko at tiniyak na mananatili pa rin ang babayaran nilang P20 kada puwesto sa Hawkers Division ng Manila City Hall.
Sa una, natuwa ang vendors dahil bukod sa hindi na sila mawawalan ng hanapbuhay, katiting lang ang mababawas sa kanilang kikitain sa pagbabayad ng maliit na puwesto.
Kaya lang, nitong mga nakaraang linggo, nadismaya ang mga nagtitinda sa Blumentritt dahil tumaas na raw ang sinisingil sa kanila, hindi ng Manila City Hall, kundi ng mga nagpapakilalang tauhan daw ng barangay.
Kabilang sa mga sinisingil sa kanilang babayaran sa kada maliit na pwesto ang gastusin ng barangay sa kalinisan, iba naman ang naniningil para sa kaayusan, mayroon pa para sa declogging at “semi-hawkers”, sa barangay street sweepers at kung ano-ano pa kaya ang dating P20 kada araw nilang binabayaran, ngayon ay umabot na sa P210 kada araw.
Hindi naman makapalag ang vendors dahil sa pangambang baka raw sila pag-initan ng chairman ng barangay sa lugar kaya binabalikat na lang nila ang bayarin para makapagpatuloy ng paghahanapbuhay. Lamang, lumiit na ng husto ang naiuuwi nila para sa pamilya.
Matatandaan na noong unang termino ni Yorme Isko, ipinahuli niya ang mga kolektor na ginagamit ng mga pulis at barangay para mangolekta ng upa sa pwesto ng sidewalk vendors na sa bulsa lang ng mga pulis at kabesa napupunta ang koleksyon.
Kaya ang dating napakataas na bayad ng mga nagtitinda, nanatili lang sa P20 kada pwesto sa Hawkers na diretso pa sa kaban ng lungsod.
Hindi lang siguro nahaharap asikasuhin ni Yorme ang problema ng vendors dahil sa dami ng inuuna niyang resolbahin na mas malalaking problema na ipinamana sa kanya ng nakaraang administrasyon na unti-unti na niyang nasosolusyunan dahil sa mabilis na kilos at walang tulugang gobyerno.
Ang isa pa, baka naman ipinalulutang lang ng mga kolektor na barangay ang nasa likod ng paniningil para maprotektahan kung sino man ang talagang kumikita sa likod nito.
Kapag nakarating sa kaalaman ni Yorme ang ganitong bumalik na kostumbre ng pagpapahirap sa mga naghahanapbuhay na vendors na maliit lang ang kita ay kinokotongan pa, tiyak na may paglalagyan ang mga tolongges na kolektor at gahaman nilang amo.






