MULING nabuhay ang dati nang mahigpit na tinutulang panukala na itaas ang Melvin Jones Football Field na nasa loob ng Burnham Park upang makapaglagay ng underground parking facility sa ilalim nito.
Sa inilabas na “call for proposals” ng lokal na pamahalaan ng Baguio city, kabilang ang 23,978 square meter na football field sa limang pampublikong lugar na bukas para sa pamumuhunan.
Layunin ng proyekto na magtayo ng elevated football field na may underground parking, kasama ang modular parking hub na may smart traffic system sa 3,155 square meter parking lot sa likod ng isang kilalang kainan.
Matatandaan na noon pang 2014 ay mariin nang tinutulan ng mga residente at conservation groups kagaya ng Baguio Heritage Foundation Incorporated ang nasabing plano dahil sa pangambang masisira ang natural drainage system ng parke at mawawala ang papel nito bilang carbon sink.
Dahil dito, nakakuha ang Baguio Heritage Foundation Incorporated ng sertipikasyon mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na idineklara ang Burnham Park bilang protektadong historical property na may karampatang historical marker.
Ayon kay mayor Benjamin Magalong, isa sa layunin ng proyekto ay madagdagan ang kasalukuyang 2,700 parking spaces sa lungsod upang umabot sa target na 14,000, bilang tugon sa lumalalang trapiko sa downtown Baguio. Tinatayang 53,000 hanggang 60,000 sasakyan ang dumaraan araw-araw sa lungsod, bukod pa sa humigit-kumulang 25,000 turista at business visitors.
Kabilang sa iba pang pinag-aaralan ang dating City Auditorium site na ngayon ay ginagawang parking area, pati na ang alok ng Camp John Hay para sa mahigit 1,000 parking slots at ng Victory Liner para sa bahagi ng kanilang bus depot bilang bahagi ng public-private partnership para sa bagong common bus terminal.
Binigyang-diin ni Mayor Magalong na makikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa NHCP upang matiyak na mananatiling naaayon sa “Burnham Plan” ang anomang proyekto. Idinagdag niya na bahagi ito ng smart mobility system na nagtataguyod ng mass transport kaysa private vehicles sa central business district.
Habang dumarami ang kritisismo online, bukas umano ang alkalde sa mga suhestiyon mula sa publiko upang maresolba ang matinding problema sa trapiko ng lungsod.
Itinayo ang Burnham Park noong 1905, bilang bahagi ng urban planning design ni Daniel Hudson Burnham, isang Amerikanong arkitekto at urban planner na itinuturing na “Father of City Planning” sa Pilipinas. Siya rin ang nagplano ng layout ng lungsod ng Baguio bilang “Summer Capital of the Philippines” sa panahon ng kolonyalismong Amerikano.
Ang parke ay idinisenyo bilang sentral na pampublikong espasyo para sa libangan at pagtitipon ng mga tao. May lawak itong mahigit 32.84 ektarya at kinabibilangan ng iba’t ibang lugar kagaya ng Melvin Jones Grandstand and Football Field, Children’s Park, Rose Garden, Orchidarium, skating rink, picnic grove, at man-made lagoon na popular sa boating.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan, nananatili itong puso ng Baguio City, isang lugar para sa mga pamilya, turista, at mga lokal na residente upang magpahinga at magsaya. Noong 2014, idineklara ito ng NHCP bilang protected historical property, dahil sa kahalagahan nito hindi lamang sa kasaysayan ng lungsod kundi bilang bahagi ng pamana ng urban planning sa bansa.
Ayon sa komisyon, ang parke ay higit isang siglo nang simbolo ng kultura, kasaysayan, at pamumuhay ng Baguio, na patuloy na binabantayan laban sa mga proyektong maaaring magbago sa orihinal nitong anyo at layunin.






