Home METRO Laguna de Bay, lumampas na sa critical water level

Laguna de Bay, lumampas na sa critical water level

1
0

LAGUNA, Philippines – Nagbabala ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa mga residenteng nakatira malapit sa Laguna de Bay na manatiling alerto matapos lumampas sa critical high-water level ang tubig ng lawa noong Sabado, Agosto 29.

Ayon sa LLDA, umabot sa 12.58 metro ang water level ng lawa bandang 3 p.m., mas mataas sa critical high-water mark na 12.50 metro. Dulot ito ng tuloy-tuloy na malakas na ulan mula sa Habagat at isang Low Pressure Area (LPA).

“Due to persistent torrential rains brought by the Southwest Monsoon (Habagat) and a Low Pressure Area (LPA), the water level of Laguna de Bay has exceeded its critical high mark of 12.50 meters, reaching 12.58 meters,” ayon sa LLDA.

“Residents living along the shores of Laguna de Bay are strongly advised to remain vigilant and closely monitor official public announcements,” saad ng ahensya.

Pinayuhan ang mga residente sa tabing-lawa na maghanda sa posibleng pagbaha at mahigpit na sundin ang evacuation protocols ng kanilang lokal na pamahalaan kung magpapatuloy ang malakas na ulan.

Nauna nang naglabas ang PAGASA ng red rainfall warning para sa Metro Manila at walong lugar sa Luzon dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Habagat. Nagbabala ito sa posibilidad ng mapanganib na pagbaha.

Ayon sa LLDA, umabot na sa critical high-water level na 12.50 metro ang Laguna de Bay noong nakaraang linggo bago ito muling tumaas sa 12.58 metro noong Sabado.

Mahalaga ang Laguna de Bay bilang natural catch basin ng tubig mula sa mga watershed ng Laguna at Rizal at ilang bahagi ng Metro Manila. Dahil dito, tumataas ang panganib ng pagbaha sa mga mabababang komunidad na nasa paligid ng lawa kapag tumataas ang water level.

Hinimok ng LLDA ang mga LGU at residente sa mga vulnerable area na manatiling handa at subaybayan ang mga opisyal na abiso. Pinayuhan din ang mga awtoridad na panatilihing malinis at walang bara ang mga drainage system at ilog na dumadaloy patungo sa lawa upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.

Ang Laguna de Bay, na nasa pagitan ng Laguna at Rizal, ay pinakamalaking lawa sa Pilipinas, na may lawak na humigit-kumulang 911 hanggang 949 square kilometers. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here