SA paglalantad ni ex-Department of Public Works and Highways District Engineer Henry Alcantara ng kanyang nalalaman ukol sa mga anomalya sa flood control projects, nalantad din ang isang malaking katotohanan.
Ang katulad ni Alcantara lang ang nakaaalam ng ugnayan ng matataas na opisyal at kasabwat nilang mga kontraktor sa maanomalyang proyekto.
Ang mga kakulangan ng kaalaman at kilos ng maliliit na empleyado gaya nina ex-DPWH Engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza sa kaugnayan nila sa mga kongresman, senador at matataas na opisyal ng DPWH ay napuno ng katulad ni Alcantara.
Bibihirang malantad sa katulad nina Hernandez at Mendoza ang ukol sa malalaking korap at mandarambong gaya nang pagdadala nila ng bilyong kikbak para kay Ako Bicol Representative Zaldy Co sa Shangrila Taguig at sa Valle Verde 6.
Karaniwang ang katulad ni Alcantara, bilang District Engineer, ang nagdadala ng 10-30% o buong pondong kikbak sa proyekto ng mga kongresman o senador sa utos ng matataas na opisyal ng ahensya at mga mambabatas.
Inilantad din ni Alcantara na nasa 30-35% lang ang tunay na halaga ng bawat proyekto, lalo na sa flood control projects at ang 70-35% ang pinaghati-hatian ng mga mambabatas na proponent, katulad niya (Alcantara) at iba pa.
Kinumpirma rin ni Alcantara ang basta paglalagay, lalo na ng mga kongresman na katulad ni Zaldy Co, ng mga proyektong tiyak nilang pagkikikbakan kahit saan.
Isa pa, sinabi pa rin Alcantara na kung 10% ang kikbakan ng mga mambabatas noong panahon ni ex-President Noynoy Aquino at 15% kay ex-Pres. Digong Duterte, pinakamalala kay Marcos dahil 25-30% na ang kikbakan, bukod sa ghost projects.
Dahil bihira ang hindi nangingikbak sa buong Pilipinas sa 254 distrito o kongresman at mahigit 50 partylist, panahon na para imbestigahan ang halos lahat ng district engineer para matukoy ang mga mambabatas at iba pa na mambubulsa ng salaping bayan.






