KATATAPOS pa lang ng ‘Collectors’ Conference’ ng Bureau of Customs na naganap kamakailan sa Cebu kung saan muling hinikayat ni Commissioner Ariel Nepomuceno ang kanyang mga opisyales na sumunod, makiisa, sa kanyang isinusulong na reporma para sa ahensya.
Sa ngayon, dalawang mataas na opisyal ng Aduana ang natanggal na sa pwesto at ‘muntik namang mapaaga ang ‘retirement’ ng isang opisyal sa Customs Police dahil “pasaway” at ayaw sumunod sa kanyang utos.
Naglabas din ang Customs ng pahayag ng pakikiisa sa laban ng taumbayan laban sa katiwalian na bagaman may mga bumatikos– “pareho” lang naman daw ang BOC sa DPWH—mayroon din namang sumuporta dahil kilala nila ang pagkatao at determinasyon ni Comm. Ariel na linisin ang kanyang ahensiya.
Pero, sadya yatang may mga opisyal na “manhid” na sa pagbabago? May nagreklamo kasi sa atin na sa isang ‘collection district’ sa Mindanao, “tuloy” pa rin ang ‘enrollment’ sa mga importer kung saan hinihingan sila ng P50,000 para sa ’40-footer van’ at P40,000 para sa ’20-footer van,’ talaga rin naman!
Hmm. Alam kaya ng district collector ang ganitong “kamada” ng kanyang ‘Chief of Assessment?’ Ahh, ‘Joey Boy,’ are you still there, hehehe!
Sa iba namang puwerto, ’20 to 30 percent’ ang sinisingil na ‘OT’ (overtime) ng Assessment kahit “parehas” ang transaksyon patunay ang letter of credit o L/C mula sa bangko.
Kinukuha ang porsiyento sa diperensiya ng ‘reference value’ galing sa Import Assessment Service at sa aktwal na bayad sa kargamento partikular sa mga ‘bulk shipments’ katulad ng bakal, semento, etc., batay sa L/C ng bangko.
Kumbaga, ginawang ‘tara reference’ ang ‘IAS reference value,’ hehehe! Alam din kaya ito ng district collector?
Samantala, nasa peligrong kasuhan ang ilang pasaway na operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service dahil para pagtakpan ang kanilang ‘illegal raid’ sa Bulacan nitong Hulyo, ipinipilit na nangyari ito noong Hunyo, bago dumating si Comm. Ariel.
Kapag “minalas,” pati si district collector na mukhang naniniwala sa bersyon ninyo, madadamay sa kasong ‘perjury’ at masisibak din sa pwesto.
Abangan!






