Home OPINION TUNAY NA BIKTIMA NG PUNO’T DULO NG PROTESTA

TUNAY NA BIKTIMA NG PUNO’T DULO NG PROTESTA

307
0

MULING napuno ng mga tao ang EDSA Shrine, Luneta, Liwasang Bonifacio, People Power Monument, at maging ang ilang bahagi ng kamaynilaan nitong Linggo, Setyembre 21, 2025.

Ang malawakang protesta laban sa korapsyon ay itinapat sa anibersaryo ng paggunita sa Batas Militar, na dapat sana’y isang araw na pagkakataon upang ipaalala ang kahalagahan ng kalayaan kabilang ang mapayapang pagprotesta sa malawakang korapsyon na nangyayari sa ngayon.

Tulad ng mga nakaraang taon, hindi pa rin maiiwasan ang tensyon at pamumulitika. Ang kaibahan lang nito sa nangyayaring bangayan at hearing sa Senado sa usaping flood control, ito’y nabahiran ng karahasan at pananamantala.

Sa kabilang dako ng mapayapang paglalahad ng mga hinaing, may nangyaring komosyon sa Mendiola. Nagresulta ito sa pagkasugat ng ilang pulis at raliyista. Nahuli ang mga sangkot sa pagsunog, pagnanakaw at pagsira ng ilang ari-arian. Nadamay din sa pagkakakulong ang mga sangkot na menor de edad. Pero bakit ba nila ito nagawa?

Lalong nakababahala ang ulat ng marahas na pambubugbog ng isang sibilyan sa isang nasakote at walang kalaban-labang menor de edad habang nasa kustodiya ng awtoridad sa loob ng sinabotaheng motel. Sa dami ng mga tinamong tadyak at suntok, kamusta na kaya ngayon ang lagay ng bata?

Nadagdagan pa ng kawalang-ingat ng ilang vlogger na hayagang inilantad ang mukha ng mga menor de edad at patuloy na ikinalat sa social media. Bagama’t tungkulin natin ang mag-post sa socmed, hindi dapat maisantabi ang responsibilidad at obligasyong igalang ang karapatan ng iba gayundin ang proteksyon ng mga menor de edad, may kasalanan man o wala.

Mahalagang kilalanin na may malaking papel ang mga magulang at lokal na pamahalaan. Ang paggabay at pagbibigay-proteksyon sa kabataan ay hindi dapat matapos sa loob ng tahanan. Kinakailangan din ng aktibong aksyon mula sa mga institusyon upang maiwasan ang pagkakasangkot ng kabataan sa mapanganib na kilos-protesta. Pero saan pa nga ba sila nagkulang?

Sa huli, nananatili ang huli nating katanungan. Sino ang tunay na biktima ng korapsiyon na puno’t dulo ng kilos-protesta?

Para sa atin, hindi biktima ang mga pulitikong nagbabangayan sa senado at kamara. Hindi rin ang mga kontraktor at kawani ng pamahalaan na sangkot sa anomalya. Hindi rin biktima ang mga taga-malakanyang.

Ang tunay na biktima ay ang mga ordinaryong mamamayan, ang mga kabataang nakakulong ngayon, mga menor de edad na ginamit na panangga, mga sibilyang naperhuwisyo at nawalan ng ari-arian, at ang mga alagad ng batas na sugatan.

Ikaw sa tingin mo, hindi ka rin ba biktima?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here