MANILA, Philippines — Inalis sa puwesto ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang lahat ng fire safety inspectors sa Metro Manila bilang bahagi ng malawakang reporma upang mapahusay ang transparency at integridad sa kanilang inspection system.
Iniutos ito ni BFP officer-in-charge Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu noong Martes, kung saan piniling simulan sa National Capital Region dahil sa dami ng mga establisimyento at inspector sa lugar.
Ayon sa BFP, papalitan ang mga inalis ng mga kwalipikadong tauhan na hindi pa nagsisilbi bilang inspector, batay sa kanilang training at service records.
“If the BFP National Capital Region (NCR) lacks enough qualified personnel, personnel from outside NCR shall fill the gap,” ani Kwan Tiu.
Nakahanay ang hakbang sa mga repormang ipinatupad ni Jonvic Remulla, kabilang ang paggamit ng body-worn cameras sa mga inspeksyon upang matiyak ang transparency.
Kinilala ni Kwan Tiu na maraming inspector ang tapat sa kanilang tungkulin, ngunit iginiit na kinakailangan ang mass relief upang matugunan ang mga sistemikong anomalya at makapagsimula muli ang ahensya.
Muling iginiit ng BFP ang kanilang pangako sa kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit at patas na pagpapatupad ng fire code.
Ang hakbang ay kasunod ng suspensyon kay dating BFP chief Jesus Fernandez kaugnay ng alegasyon ng graft at corruption na may kinalaman sa umano’y ₱14.7 milyong kickback sa procurement ng ambulansya noong 2024. Santi Celario