Home NATIONWIDE Kano timbog sa kush, marijuana oil sa NAIA

Kano timbog sa kush, marijuana oil sa NAIA

142
0

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang interdiction operation ng mga operatiba ng Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) ang isang 57-taong-gulang na Amerikano makaraang mahulihan ng iba’t ibang uri ng ilegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 Lunes ng gabi, Marso 30.

Sa report na inilabas ng IADITG ay kinilala ang nadakip na suspek na si Dirk Clayton Christian, 57, American national at self-employed.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng IADITG, nadakip ang suspek bandang alas 6:34 ng gabi sa Final Security Checkpoint 2, North Wing, Domestic Departure Area, NAIA Terminal 2, Pasay City.

Dinakip ang suspek makaraang dumaan sa X-ray inspection ang kanyang dalawang bagahe na naglalaman ng iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na ilegal na droga.

Sa unang binuksang bagahe ng suspek ay nadiskubre ang 13 piraso ng vape cartridge na naglalaman ng may kabuuang 26 gramo ng kulay kayumangging likido na hinihinalang marijuana oil.

Ang ikalawang bagahe naman ng suspek ay nakuhaan ng 12 piraso ng vape cartridge na, tulad ng naunang bagaheng binuksan, ay mayroon ding kulay kayumangging likido na may bigat na 24 gramo na hinihinalang marijuana oil, at 28 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman naman ng hinihinalang pinatuyong marijuana kush na may timbang na 1,056 gramo, gayundin ang tatlong gramo ng cholesterol steroid.

Bukod sa mga kinumpiskang ilegal na droga ay nakalap din sa suspek ang kanyang pasaporte, American driver’s license ID, Philippine Airlines boarding pass na may flight number PR 2863, at ang kanyang cellular phone.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service upang isailalim ang mga ito sa laboratory examination.

Kasong paglabag sa Section 4, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinahaharap ng suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng PDEA.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba na pinangungunahan ng PDEA RO NCR, kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan/larawan ni Jimmy Hao)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here