Naga City, Philippines – Sa isang pribadong ospital sa Naga City ang bagsak ng Eat Bulaga host at komedyanteng si Wally Bayola makaraang maaksidente sa Andaya Highway sa Camarines Sur nitong hapon ng Linggo, March 29.
Ang kumpirmadong ulat ay mula sa mismong OIC ng Lupi Fire Station, na nasa lugar ng pinangyarihan.
Naganap ang aksidente sa bahagi ng Barangay Bel-Cruz sa Lupi bandang alas dos ng hapon.
Ayon sa paunang ulat, binabaybay ni Wally ang Andaya Highway papuntang Naga City.
Lulan ang TV host-comedian ng big bike nang bigla siyang sumemplang.
Ayon sa OIC ng Lupi Fire Station, naabutan nilang nakahandusay si Wally sa gilid ng Andaya Highway.
Nagtamo ito ng mga sugat at nahirapang igalaw ang kanang bahagi ng kanyang katawan.
Naka-Lenten break ang Eat Bulaga.
Inaasahang sa live episode nito sa April 6, Lunes, ay magre-report na si Wally na magaling na’t nakakalakad na muli nang maayos. Ronnie Carrasco III