Home NATIONWIDE Lahat ng Pinoy na kasabwat ng convicted French pedophile, dapat managot –...

Lahat ng Pinoy na kasabwat ng convicted French pedophile, dapat managot – Abalos

MANILA, Philippines – Dapat managot sa batas ang mga Pilipinong naging kasabwat ng convicted pedophile na si Bouhalem Bouchiba, na hinatulan sa isang korte sa Paris, France kaugnay sa kasong online sexual abuses kung saan kabilang ang maraming Pilipina sa mga nabiktima nito sa loob ng higit isang dekada.

“Nakakagalit. Kasuklam-suklam,” sabi ni Abalos sa isang pahayag. “Kailangan lahat ng naging kasabwat ni Bouchiba sa Pilipinas ay maparusahan at makulong din.”

Nauna nang nagpahayag ang Department of Justice (DOJ) na sila ay aktibong nakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) upang tugisin ang mga Pilipinong tumulong kay Bouchiba sa kanyang mga karumal-dumal na krimen. Nakikipag-ugnayan din ang DOJ sa Women and Children Protection Center ng PNP at sa National Coordination Center Against Online Sexual Abuse and Exploitation of Children upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at masigurong mapapanagot ang mga may sala.

“Walang Pilipino dapat ang nagbebenta sa kapwa. Dapat managot ang Pilipinong kasabwat ni Bouchiba sa online sexual abuses na ginawa nito kabilang ang mga biktimang Pilipina na karamihan ay mga bata pa,” sinabi ni Abalos.

Tiwala si Abalos sa kakayanan ng DOJ at PNP upang masigurong hindi makakatakas sa kamay ng batas ang sinumang sangkot sa karumal-dumal na kasong ito.

Inihalintulad ni Abalos ang naging aksyon nila sa pagkakahuli sa serial child trafficker na si Teddy Jay Mejia na inakusahan ng pang-aabuso at pagsasamantala sa 111 na menor de edad na kababaihan.

Nahuli si Mejia noong Setyembre sa United Arab Emirates at inuwi ni Abalos at General Portia Manalad sa bansa matapos ang matagumpay na pakikipag-ugnayan sa UAE at Interpol. Sa ngayon ay nahaharap si Mejia sa kasong qualified trafficking, statutory rape, at paglabag sa Republic Act No. 11930, o ang Anti-Online Sexual Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

“Lumalabas, itong demonyong ito pinoprofile niya yung mga batang loner, mga batang matatalino. Isipin mo 9 years old, 10, 11—musmos na musmos yan,” ani Abalos sa isang pahayag noon. “It turns out this demon is profiling loner kids, the smart kids. Imagine, these are just innocent children.”

Ipinaliwanag ni Abalos kung paano ginamit ni Mejia ang mga pekeng larawan upang takutin ang mga biktima, na nagdudulot ng takot at kontrol sa kanila. “Kapag ayaw na ng bata, tinatakot niya sila gamit ang mga pekeng hubad na larawan, kaya natatakot ang bata,” sabi ni Abalos.

Sinabi ni Abalos na ang mga tulad ni Mejia at Bouchiba ay dapat mabulok sa kulungan.

Upang masugpo ang ganitong krimen, inulit muli ng kalihim ang naging panawagan niya sa 33rd Session ng United Nations Commission on Crime Prevention and Criminal Justice (CCPCJ33) sa Vienna, Austria, noong Mayo na magpasa ang mga bansa ng kani-kaniyang batas para parusahan ang mga end users, nanonood, o nagda-download ng child sexual abuse or exploitation materials.

“Ang hindi alam ng marami, ang bawat click sa ganitong materyales ay isang paglapastangan at panggagahasa ng maituturing. Lahat ng bansa ay may responsibilidad na protektahan ang mga bata at masusugpo ang ganitong krimen kung ang lahat ay makikiisa sa pagpasa ng batas na magbabawal sa ganitong materyales at magpaparusa sa mga gumagamit nito o end users,” ani Abalos.

Bago umalis sa pwesto upang tumakbo sa pagkasenador, nagbigay ng mandato si Abalos sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2024-140 sa lahat ng local government units na magbalangkas ng kaniya-kaniyang anti-online sexual abuse or exploitation of children ordinance at anti-child sexual abuse or exploitation materials ordinance sang-ayon sa Republic Act 11930. (Dave Baluyot)