Nasalikop ng mga pulis ng Cabiao, Nueva Ecija ang isang magsasaka nang madiskubre ang mga tanim niyang marijuan sa likod lamang ng kanyang bakuran (Mga larawan: Marina Bernardino)
MANILA, Philippines – Natimbog ang isang 56-anyos na magsasaka matapos masamsaman ng labingdalawang puno ng marijuana na itinanim niya sa likod ng kanyang bakuran sa Barangay San Fernando Sur, Cabiao, Nueva Ecija kahapon.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang “plantasyon” ng marijuana ng magsasaka matapos ang ilang linggong surveillance sa kanyang bahay.
Sinabi ni P/Maj. Hansen G. Miguel, chief of police ng Cabiao Police Station, umaabot sa higit-kumulang 15 kilo ng tanim na marijuana, nasa halagang P3 milyon, ang nabunot sa bakuran ng magsasaka.
Gayunman, isasailalim pa sa pagsusuri ang mga “halaman” upang madetermina kung tunay nga itong marijuana, maging ang eksaktong timbang nito.
Nabatid sa pagsisiyat ng pulisya na may ilang parokyano ang suspek na madalas ay sa lugar sila nag-iinuman at nagsasagawa ng pot session.
Todo-tanggi naman ang magsasaka na nagbebenta siya ng marijuana pero inamin niyang mali ang ginawa niyang pagtatanim at pag-aalaga ng mga
puno nito.
Sinabi ng magsasaka na ginagamit lamang niya ang tanim na marijuana sa paggamot sa mga sakit sa tiyan.
Ngunit sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang naaresto ang suspek sa kaparehong kaso. Kabilang umano siya sa high value target ng PNP.
Pinuputol lamang umano ng suspek ang ilang sanga ng puno para ibenta kaya patuloy ang paglaki nito. Pasimple din umano ang ginagawang pagbebenta ng suspek ng marijuana.
Ipinaalala ng mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagtatanim, pag-aalaga at paggamit ng marijuana.
Nakadetine ang suspek sa Cabiao Police Station at mahaharap siya sa paglabag sa Section 5 at Section 16 ng Republic Act 9165. MARINA G. BERNARDINO