Home NATIONWIDE Nananamantala sa presyo ng mga produkto sa Middle East conflict tututukan ng...

Nananamantala sa presyo ng mga produkto sa Middle East conflict tututukan ng pamahalaan

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na binabantayan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo sa consumer market.

Napansin kasi ng Pangulo na tumaas na ang presyo ng ilang kalakal.

“Iyon lamang binabantayan natin ngayon ‘yung price gouging. Dahil ang dami ko nang nakita nagtataas ng presyo, hindi naman tumaas ang presyo ng langis. So, iyon ang babantayan natin ngayon. That’s what we are going to watch,” ang sinabi ng Pangulo sa mga mamahayag.

At nang tanungin kung magpapatuloy ang subsidiya sa mga drivers at iba pang sektor, tinuran ng Pangulo na kapag ang presyo ay hindi nagbago, ito’y magiging “business as usual.”

“Kung hindi nagbago ‘yung presyo, then we do the same like before. Ang sinasabi namin hindi ayuda, subsidy ‘pag tumaas ang presyo,” ayon sa Pangulo.

“Eh kung hindi tumaas ang presyo ng langis, then there is no need for that. We can proceed–, we can do business as usual,” ang sinabi pa rin ng Chief Executive.

Samantala, sa ulat, dalawang beses na magpapatupad ang mga kompaniya ng langis ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong huling linggo ng Hunyo.

Ito ay kasunod ng pagpayag ng mga kompaniya ng langis na utay-utayin o unti-unting ipatupad ang big-time oil price hike simula araw ng Martes, June 24.

Resulta ito ng pakikipag-usap ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa mga kinatawan ng mga kompaniya ng langis na positibo namang tumugon sa kahilingan ng gobyerno.

Nito lamang araw ng Martes, epektibo alas-6:00 ng umaga, nagpatupad ang tatlong malalaking kompaniya ng langis (Shell, Petron, Seaoil) umentong ₱2.60/L sa diesel, sa gasolina naman ₱1.75/L, habang sa kerosene ₱2.40/L ang itinaas.

Sa araw ng Huwebes, June 26, parehong umento sa mga produktong petrolyo ang ipapatupad.

Ang iba namang kompaniya ng langis (Caltex) ngayong Martes, nagpatupad ng umento na ₱3.45/L sa diesel, ₱2.25/L sa gasolina at ₱3.20/L sa kerosene.

Inaasahan naman sa araw ng Biyernes, June 27, magpapatupad ang naturang kompaniya ng umentong ₱1.50/L sa diesel, ₱1 /L sa gasolina at ₱1.40/L sa kerosene.

Ayon sa DOE, isinumite ng mga kompaniya ng langis ang kanilang implementation scheme kabilang ang breakdown ng staggered adjustments kahapon.

Ginawa naman ang naturang hakbang sa gitna ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis dahil sa tumitinding labanan sa pagitan ng Israel at Iran kung saan nakialam na rin ang Amerika.

Inihahanda na rin ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga maaapektuhang operators at drivers ng mga pampublikong transportasyon dahil sa inaasahang pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng conflict sa Middle East. Kris Jose