QUEZON, Nueva Vizcaya – Maswerteng nailabas na buhay ang dalawa sa limang minero na unang pinaniwalaang patay sa loob ng isang tunnel sa barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.
Unang nailabas si Alfred Bilibli y Dulnuan na buhay pasado alas-2:00 ng hapon habang ang kasamahan nito na si Joval Bantiyan ay nakuha rin na buhay pasado alas-7:00 ng gabi nitong Martes, Hunyo 24.
Ayon kay PCol. Jectopher Haloc, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ay patuloy pa rin ang isinasagawang retrieval operation ng mga pinagsanib na pwersa ng mga kapulisan at rescue personnel para sa tatlong iba pa na sina Daniel Segundo Paggana, 47; Lipihon Ayudan y Bumulyad, 56; at Florencio Indopia y Napudo, 63, pawang mga residente ng Barangay Runruno dito sa nasabing bayan.
Unang inakala na patay ang limang minero sa unang ulat ng pulisya batay na rin sa inisyal na report na nakarating sa kanilang himpilan.
Ayon sa unang ulat ng pulisya, isang Russel Tumapang, 29, residente ng Barangay Runruno ang nakadiskubre sa mga biktima matapos pumasok sa loob ng tunnel sa Sitio Compound dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Lumalabas sa pinakahuling ulat ng pulisya na ang dalawang buhay na minero ay nakuha umano sa may 300 metro na lalim ng tunnel subalit ang tatlong iba pa ay pinaniniwalaan na nasa mas malalim ang kinaroroonan.
Samantala, umaasa ang mga kamag-anak, residente at mga rescue personnel na buhay pa ang tatlong iba pang minero. REY VELASCO