Bulacan – Arestado ang lalaki na umanoy nagpakita ng kanyang maselang bahagi ng katawan sa isang menor de edad sa lungsod Malolos nitong umaga ng Hunyo 25.
Sa ulat ng Malolos police station, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Boy Lawit” 21 anyos, habang ang biktima ay isang 14 na estudyante ng Brgy. Bangkal.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang 8:30 ng umaga habang nasa loob ng tindahan ng pamilya ng biktima.
Nabatid na walang kaabog-abog na inilabas ang maselang bahagi ng suspek sa harap ng estudyante.
Dahil dito, agad ipinaalam ng biktima ang pangyayari sa kanyang tiyuhin na nagsuri sa CCTV footage ng tindahan hanggang sa nakumpirma ito.
Dali-daling humingi ng tulong ang pamilya sa mga Tanod ng Brgy. Bangkal na rumesponde sa lugar kaya naaresto ang suspek at isinuko sa pulisya kalaunan.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang ang biktima ay dinala sa City Social Welfare and Development para mabigyan ng counseling at iba pang tulong.
Paalala ng Malolos police sa publiko na mahigpit nitong ipinatutupad ang mga batas na naglalayong protektahan ang kababaihan, kabataan at lahat ng mamamayan laban sa anumang uri ng sexual harassment at iba pang pang-aabuso. Dick Mirasol III