MANILA, Philippines – Ibinasura ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang mga pagtatangkang iugnay ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na, itinutulak lamang ang ganitong pahayag ng mga politikong maaga nang nangangampanya para sa halalan sa 2028.
Tinawanan lamang ni Lacson ang naturang naratibo at sinabing pinili nila ng kanyang mga kasamahan sa mayorya ng Senado na huwag nang patulan ang naturang paratang.
“Hayaan na lang natin silang mangampanya. Hindi talaga made-derail yan. Given naman yan, sinasabi lang yan, alam mo kasi may mga kasamahan kami na tatakbo sa 2028. Naunawaan namin ang kanilang mga Facebook Live, kanilang social media, kanilang interview sa media,” ani Lacson sa isang panayam sa IBC News nitong Biyernes nang tanungin ukol sa naturang pahayag.
“Naunawaan namin ang kanilang mga sinasabi kasi this early campaign mode na yung iba. So ang position namin, kami sa majority, huwag na lang patulan,” dagdag niya.
Nitong Miyerkules, sinabi ni disgrasyadong ex-Senate President Alan Peter Cayetano na hindi dapat maging dahilan ang nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente upang matigil ang imbestigasyon ng Senado sa mga proyekto ng flood control.
Ang Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng bagong chairman na si Erwin Tulfo ang kasalukuyang nangangasiwa sa imbestigasyon sa kontrobersiya ng mga proyekto ng flood control, at inaasahang ipagpapatuloy nito ang trabahong sinimulan sa ilalim ng pamumuno ni Lacson sa naturang imbestigasyon. Ernie Reyes