Home NATIONWIDE School Safety Act, gagawing prayoridad ng Senado para sa seguridad ng paaralan...

School Safety Act, gagawing prayoridad ng Senado para sa seguridad ng paaralan – Bam

1
0

MANILA, Philippines – Bilang tugon sa sunod-sunod na insidente ng karahasan sa ilang paaralan, inihayag ni Senador Bam Aquino na bibigyang prayoridad ng Committee on Basic Education, na kanyang pinamumunuan, ang pagsasabatas ng panukalang School Safety Act upang mapalakas ang seguridad sa campus at maprotektahan ang mag-aaral.

Ayon kay Aquino, pinalawak ang saklaw ng panukala matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, pananaksak sa labas ng isang high school sa Negros Occidental, at iba pang insidente ng karahasan sa loob at paligid ng paaralan.

Noong Miyerkules, personal na nagpaabot si Aquino ng pakikiramay sa mga pamilya ng tatlong estudyante na namatay sa pamamaril sa Tacloban City at kinumusta ang mga nasugatan, kasabay ng pag-alam sa kanilang mga pangangailangan habang nagpapagaling mula sa trahedya.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga pamilya ng mga biktima, nangako si Aquino na isusulong ang mga panukalang makatutulong para mapigilan ang mga katulad na insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

“Gagawin natin prayoridad ng Committee on Basic Education ang pagpasa ng ating School Safety Act. Nagsimula ito bilang panukala laban sa bullying, pero isasama na rin namin ang mga probisyon ukol sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga team-building and out-of-campus activities,” wika ni Aquino.

“Ipapasok din natin ang mga panukalang magpapatibay sa seguridad ng ating mga paaralan, gaya ng pagkakaroon ng School Safety Hotline at Alert system, pagpaparami ng CCTV at increased presence ng mga pulis, security guard, at barangay tanod,” dugtong pa niya.

Inihayag din ni Aquino na maghahain siya ng panukala upang repasuhin at amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act kasunod ng trahedya sa Tacloban City, para palakasin ang mga probisyon ng batas hinggil sa mga menor de edad na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.

“Maghahain po tayo ng panukala para suriin at amyendahan ang Juvenile Justice Act. Bibigyang diin po natin ang mga karumal-dumal na krimen gaya ng pagpatay at panggagahasa,” palliwanag niya.

Nagpahayag din siya ng suporta sa mga panukalang higpitan ang access sa social media ng mga batang wala pang 15 taong gulang, sa pagsasabing hindi dapat sila nalalantad sa mga mapanganib na nilalaman nito.

Naghain din si Aquino ng Senate Resolution No. 469 na humihiling sa kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa nangyaring pamamaril sa Tacloban City, bilang bahagi ng pagkilos para mapalakas ang kaligtasan sa mga paaralan.

Binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangan para sa maagap at sama-samang pagkilos mula sa pamahalaan at pribadong sector upang mapanatiling ligtas na lugar ang mga paaralan kung saan makapag-aaral ang mga estudyante nang walang takot.

“Utang natin sa ating mga kabataan ang mga ligtas na campus at eskwelahan. Utang din natin sa mga magulang ang kasiguradahan na ginagawa ng gobyerno ang lahat para ligtas ang kanilang mga anak sa mga paaralan,” wika ng Senador.

“Para magsimula ang paghilom, kailangan makamit ang hustisya at magsama-sama tayong kumilos para hindi na ito mangyari muli,” dagdag pa niya.

Habang nasa Tacloban City, nakatanggap si Aquino ng impormasyon hinggil sa isa pang planong pag-atake sa isang paaralan. Agad niya itong ipinaabot kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na nagsagawa ng mga pagkilos upang mapigilan ang nasabing plano. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here