MANILA, Philippines – BYAHENG Canada si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Hulyo.
Ang official visit na ito ng Pangulo ay mula Hulyo 1 hanggang 4 bilang tugon na rin sa imbitasyon ni Canadian Prime Minister Mark Joseph Carney.
Sa isang kalatas, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na inaasahan na sina Pangulong Marcos at Carney ay magkakaroon ng bilateral meeting bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang relasyon at isulong ang pagtutulungan sa pinakamahalagang ‘strategic areas’ sa pagitan ng Pilipinas at Canada.
“The two leaders are expected to assess progress in defense and security engagements and efforts to expand trade and investment, and explore avenues to bolster cooperation in enhancing economic resilience, strengthening collaboration in energy and critical minerals, and reinforce people-to-people linkages,” ayon sa PCO.
Pag-uusapan din ng dalawang lider ang papel ng Pilipinas bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon, at maging ang strategic priorities ng rehiyon.
Ang Canada ay ASEAN dialogue partner simula pa noong 1977 at napanatili ang strategic partnership kasama ang regional bloc simula pa noong 2023.
Sa magiging pagbisita ng Pangulo sa Canada, sinabi ng PCO na makakapulong din ng Pangulo ang mga Canadian business leaders at investors para manghikayat ng mas maraming foreign investments sa high-impact sectors gaya ng artificial intelligence (AI).
“A key focus of the visit will be the promotion of business and investment opportunities,” ang sinabi pa rin ng PCO.
“President Marcos will lead engagements with Canadian business leaders and investors in sectors critical to the Philippines’ economic agenda, including information technology, business process management, artificial intelligence (Al) and critical infrastructure, critical minerals, and other high-growth industries,” ang winika nito.
Makakapulong din ng Pangulo ang Filipino community sa Vancouver, British Columbia, bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng overseas Filipinos sa paglago ng ekonomiya ng dalawang bansa at matagal na ugnayan.
Makakasama naman ng Pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sa kabilang dako, ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canada ay tanda ng first official visit ng Philippine president sa Canada sa nakalipas na dekada, kasunod ng naging pagbisita ni dating Pangulong Benigno Aquino Ill noong 2015.
Ang huling Canadian leader na bumisita sa Pilipinas ay si dating prime minister Justin Trudeau.
Samantala, ipinagdiwang naman ng Pilipinas at Canada ang 75th anniversary ng diplomatic relations noong 2024, sumasalamin ito sa ‘longstanding partnership’ na naka-angkla sa ‘shared values’ partikular na sa promosyon ng kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific, malakas na ugnayang ekonomiya at masiglang people-to-people connections. KRIS JOSE