MANILA, Philippines – HINIHINALANG aksidenteng nabaril ng isang lalaki ang kanyang sarili habang nangha-hunting ng ibon sa isang bulubunduking lugar ng Mt. Buhuan, Brgy Talipusngo, Maragondon, Cavite nitong Huwebes ng madaling araw, Mayo 28.
Naisugod pa sa Maragondon Hospital ang biktimang si alyas Larito subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat, bandang alas-12:20 ng madaling araw ay nagtungo ang biktima at mga kaibigan nitong sina alyas Jay at alyas Tikong sa Mt Buhuan, ng nasabing lugar upang manghuli ng ibon.
Nang nagkanya-kanya sila ng lakad ay nakarinig ang mga kasamahan ni Larito ng magkakasunod na putok mula sa kinaroroonan ng biktima, hanggang sa narinig nila ang biktima na humihingi ng tulong.
Hinanap ang kinaroroonan ng biktima hanggang na mabilis na isinugod sa ospital subalit hindi na ito umabot pa ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Tumanggi na rin ang mga kaanak na isailalim sa awtopsiya ang katawan ng biktima dahil naniniwala silang walang naganap na foul play sa pagkamatay nito. MARGIE BAUTISTA