GENERAL SANTOS CITY- PATAY ang isang lalaki habang sugatan ang kasama nitong babae matapos silang pagbabarilin ng suspek na inangkas nila sa motorsiklo, kahapon, Enero 12 sa bayan ng Maitum.
Kinilala ang nasawi na si Amad Maulana, nasa hustong gulang at sugatan si Kimberly Andayao Maulana, 22, at kapwa residente ng Barangay Barongis, Palimbang, Sultan Kudarat.
Habang nakatakas naman ang suspek na kinilala sa alyas Inggo.
Batay sa report ng Maitum Municipal Police Station, bandang 4:15 PM nitong Linggo, Enero 12, 2025 nang maganap ang krimen sa kalsadang sakop ng Sitio Takal, Barangay Maguling ng naturang bayan.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Amad ang motorsiklo at angkas nito sina Kimberly at ang suspek mula sa sentro ng Maitum.
Pagdating sa nabanggit na lugar, bigla na lamang kinompronta ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Dito, bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan saka mabilis na tumakas.
Kaagad naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at dinala sa ospital ang mga biktima subalit idineklara na rin patay si Amad ng mga umatending doctor habang patuloy na ginagamot si Kimberly.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at tunay na pagkakakilanlan sa suspek para agaran pagdakip. Mary Anne Sapico