MANILA, Philippines – Patay ang isang 26-anyos na drayber matapos barilin sa Antipolo, Rizal dahil sa away-parking.
Nakuhanan sa CCTV ang pag-park ng biktima ng kanyang van sa gilid ng isang tindahan.
Ayon sa mga saksi, ito ang naging dahilan ng galit ng may-ari ng tindahan.
“Tuwing nagpa-park daw yung biktima doon sa area ay pinagtatalunan nila,” pagbabahagi ni Police Captain Carlo Tamondong ng Antipolo Component City Police Station sa panayam ng GMA News.
“Pero yung pinag-park-an nung biktima nung time na yun ay hindi naman siya para mag-park. Tumigil lang siya para ibaba yung mga pasahero niya.”
“[Ang may ari ng tindahan] yung nanakal. Siya nag-umpisa, pag-park pa lang nila, galit na galit na raw siya sa biktima,” dagdag ni Tamondong.
Sa kabila nito, itinanggi ng may-ari ng tindahan na nakipag-away siya sa van driver.
Ang itinuro nito ay ang kanyang kasamang ni “Toto” na siyang nakipag-away sa biktima.
“Di ko sinakal. Tinulak ko siya pabalik ng sasakyan…Para di na nga bumaba ng sasakyan. Para di po sila mag-away, e. E di nagpapigil e,” dagdag ng may-ari ng tindahan.
Narekord ng CCTV camera ang biktima at si Toto na nagkakaroon ng argumento.
Kalaunan, makikita si Toto na nagpaputok ng baril.
Apat na beses tinamaan ang drayber ng van. Tatlong tama ang nakuha nito sa ulo at isa sa likod na ikinamatay on the spot.
Mabilis naman ng tumakas si Toto gamit ang sasakyan.
Samantala, inaresto naman ng pulisya ang may-ari ng tindahan. RNT/JGC