MANILA, Philippines- Arestado ang isang 28-anyos na ama sa Quezon City matapos tangkaing ibenta ang kanyang 11-buwang gulang na anak online.
Batay sa ulat nitong Biyernes, ginamit umano ng lalaki ang kanyang anak na sanggol bilang “human shield” nang magsagawa ang mga ahente ng National Bureau of Investigation-Special Task Force ng entrapment operation.
Nadiskubre ng NBI-STF na iniaalok ng suspek ang kanyang anak sa isang online post.
Sinabi ni NBI-STF agent Lolibeth Jane Calisi na nilagyan pa ng suspek ng P55,000 tag price ang paslit.
Base sa mga awtoridad, tinangkang ibenta ng suspek ang kanyang anak upang maghiganti sa pagtanggi ng kanyang dating kinakasama na makipagbalikan sa kanya.
Nasagip ang sanggol at dinala na sa Department of Social Welfare and Development.
Inihayag ng NBI-STF na ang suspek, na tumangging magbigay ng komento, ay mahaharap sa mga kasong child trafficking at resistance and disobedience to a person in authority. RNT/SA