ALEGRIA, Cebu- Hindi inakala ng isang lalaki na ang hindi niya pagsunod sa utos ng kanyang tiyuhin ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos pagtatagain ng huli nitong Linggo sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Eduardo Tan Bequilla, 44, habang nadakip naman ang suspek at tiyuhin nitong si Edgardo Seno Flores, 58, kapwa residente sa Sitio Sangi, Barangay Madridejos, Alegria.
Ayon kay Police Capt. Elexius Tangub, ng Alegria Police Station, bandang alas-6 ng umaga nang maganap ang krimen sa labas ng bahay sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krime ay inutusan ng suspek ang biktima na bayaran ang survey sa lupang kanilang tinitirhan.
Nalaman ng suspek na hindi ito binayaran ng biktima kaya sinugod niya ito na armado ng itak at pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan hanggang sa maputol ang isang braso na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha sa suspek ang itak at .38 kalibre na baril na may apat na bala.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong pagpatay at illegal possession of firearms. Mary Anne Sapico