Home METRO Lalaking kumakain sa fastfood chain sugatan sa araro ng SUV

Lalaking kumakain sa fastfood chain sugatan sa araro ng SUV

MOALBOAL, Cebu- Sugatan ang isang lalaki matapos araruhin ng isang sports utility vehicle ang fastfood chain, nitong Huwebes ng umaga sa bayang ito.

Kinilala ang sugatan na si Niño Besa, nasa hustong gulang at taga-Moalboal sa Cebu, habang hawak naman ng pulisya ang driver ng Suzuki Jimny na may plakang JAE 6876 na minamaneho ni Anatolio Labra Cardente Jr.

Batay sa report ng Moalboal Police Station, bandang alas-9:21 ng umaga nang maganap ang insidente sa gilid ng national highway ng nabanggit na bayan.

Base sa kuha ng CCTV footage patungong parking lot bigla na lamang nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver hanggang sa araruhin nito ang fast food chain.

Nagkataon na kumakain sa loob si Besa at nagtamo ito ng sugat sa katawan.

Nabasag naman ang mga salamin ng fast food chain at nasira ang ilang mesa at upuan sa loob habang nag-unahan naman palabas ng kainan ang iba pang kustomer.

Bago ang insidente, nabangga rin ni Cardente ang mga bahagi ng bus na nagbababa ng mga pasahero hindi kalayuan sa nabanggit na lugar.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico