MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki dahil sa paglabag sa Gun Ban sa gitna ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinilala ang suspek na si Elizalde Cresencio Jr, 48, residente ng Sampaloc, Manila.
Sa imbestigasyon ng MPD-Station 4, nangyari ang insidente malapit sa Ospital ng Sampaloc kung saan tinakot ng suspek ang biktima na si Jayson Sevilleja, 41, construction worker ng nasabi ding lugar.
Nauna rito, nakaupo ang biktima sa isang pampasaherong jeep habang umiinom ng alak nang dumating ang suspek.
Nabatid na pilit pinaaalis ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo ng dalawa.
Kalaunan, umuwi ang suspek at pagbalik ay may dala na itong baril at hinampas sa biktima dahilan para ito ay bumaba sa jeep.
Gayunman, hinabol pa rin ng suspek ang biktima habang nakatutok ang kanya ang baril.
Mabilis namang nakaresponde ang pulisya sa lugar at makalipas ng mahabang negosasyon ay nakumbinsi ang suspek na isurender ang kanyang armas.
Nakuha sa kanyang pag-iingat ang postil caliber. 45, magazine at mga bala.
Mahaharap sa kasong threat, illegal discharge of firearms (Gun Ban na may kaugnayan sa SONA) at Physical Injury ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden