MANILA, Philippines – Nasawi ang isang lalaking patungo sana sa ospital para magpa-dialysis matapos na maaksidente ang sinasakyan nitong motorsiklo dahil sa asong biglang tumawid sa Calasiao, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Alfredo Sarmiento, 52-anyos, na agad nasawi matapos maaksidente sa Barangay Doyong.
Sa ulat ng pulisya, sakay ng minamaneho niyang motorsiklo papunta sa ospital si Sarmiento nang makasagasa ito ng aso na biglang tumawid sa kalsada, madaling araw ng Huwebes, Hulyo 11.
“Nabangga niya ang aso. Malakas ang impact, at the same time, hindi siya nakasuot ng helmet kaya nabagok ang ulo niya,” pahayag ni Police Lieutenant Colones Ferdinand Lopez, officer-in-charge ng Calasiao Police Station, sa panayam ng GMA News.
Patay din ang aso sa insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng aso. RNT/JGC