MANILA, Philippines – Arestado ng PNP ang isang 37-anyos na lalaking itinuturong nagtatag ng isang digital currency investment scheme na diumano’y nakapanloko ng milyon-milyong piso mula sa mga biktima sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., may 22 arrest warrant ang suspek kaugnay ng syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code (RA 8799), kabilang ang isang kaso ng large-scale swindling. Sampu sa mga kaso ay non-bailable.
Sinabi ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico na ang suspek ang founder ng “Ploutos Coin” trading club na inilunsad sa Cagayan de Oro noong 2018. Nangako umano siya ng mataas na kita sa mga mamumuhunan at nakalikom ng milyon-milyong piso, karamihan mula sa Cagayan de Oro at Zamboanga, kabilang ang mga retirado at aktibong pulis.
Ipinahayag ng SEC na hindi rehistrado ang entidad at wala itong lisensiya para mangalap ng investment mula sa publiko.
Ayon kay Morico, hinikayat nila ang ibang biktima na makipag-ugnayan sa CIDG para makapagsampa ng kaso.
Nangyari ang follow-up operation Martes ng umaga sa basement parking ng isang mall sa Pasay City, kung saan narekober ang suspek, na kabilang din sa DILG National Level Most Wanted Persons na may P400,000 reward. RNT/MND