Bulacan – Patay ang 35 anyos na binatang walang habas umanong namaril matapos gantihan ng mga rumespondeng pulis sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong hapon ng Oktubre 29.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si alyas “Kenneth”, tubong Navotas City, residente ng Brgy. Muzon South.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 1:45 ng hapon sa isang subdibisyon sakop ng nasabing lugar.
Aypn sa report, nakatanggap ng tawag ang istasyon mula sa concerned citizen na nagsabing may lalaking nagpapaputok ng baril sa lugar.
Dahil dito, rumesponde ang tatlong pulis kasama ang isang Jail Officer subalit pagdating sa lugar ay pinaputukan sila ng suspek kaya agad nilang ginantihan na ikinabulagta nito.
Nang makarating ang rescue team ay dinala sa pagamutan ang suspek subalit bandang 3:20 ng hapon ay binawian na ito ng buhay, ayon na rin sa attending physician.
Nabatid na nasugatan ang nasabing Jail Officer sa kanyang kanang braso habang isang alyas Allan, 48, rider ay aksidenteng nasugatan din sa naturang putukan.
Narekober sa lugar ang 20 pcs fired cartridge cases, dalawang deformed fired bullets, 6 live ammunition, Taurus at dalawang magazines.
Sinasabing ang subject person, base sa e-warrant ay may standing warrant of arrest sa kasong murder mula sa RTC Branch 286, Navotas City. Dick Mirasol III