GENERAL SANTOS CITY- DUGUAN bumulagta sa kalsada ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek, kahapon ng hapon, Nobyembre 4 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Archie Perez Bactol, nasa huston gulang at residente ng Prk 18 Bactol, Barangay Mabuhay, General Santos City.
Batay sa report ng General Santos Police Station, bandang 5:30 PM noong Lunes naganap ang krimen sa Luwalhati Village Barangay Mabuhay, ng nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar ng bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng baril.
Dito, bigla na lamang binaril sa ulo at mukha ang biktima dahilan para bumagsak ito sa lupa at agad nalagutan ng hininga.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico