Home METRO Lalaking nagpapanggap na doktor, arestado ng NBI

Lalaking nagpapanggap na doktor, arestado ng NBI

MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 61 anyos na lalaki na nagpapanggap na doktor nang walang lisensya.

Ayon sa NBI, lumapit sa kanila ang isa sa dating empleyado na siyang nagkumpirma na ang dati niyang employer ay hindi lisensyadong doktor.

Ito ay tumatanggap ng pasyente, nagbibigay ng medical advice, nagtitinda ng gamot sa kanyang klinika at nagrereseta rin ng gamot.

Sinabi ni NBI Public Corruption Division Chief Atty. Cath Nolasco-Illescas na nagpapanggap ang suspek na doktor sa nakalipas na 20 taon at marami na rin siyang pasyente.

Ayon naman sa suspek, kumuha ito ng Medical Licensure Examination ng dalawang beses ngunit hindi pumasa at ang kanya umanong intensyon ay tumulong sa mga tao.

Mahaharap ngayon sa ilang mga reklamo ang suspek.

Sinabi ni Nolasco-Illescas na inirekomenda nilang kasuhan ang suspek ng illegal practice of medicine sa ilalim ng Medical Act dahil sa pagpapanggap niyang doktor kahit hindi lisensyado, gayundin ang pagtitinda niya ng gamot sa ilalim naman ng Philippine Pharmacy Act. Jocelyn Tabangcura-Domenden