COTABATO-HINDI inakala ng isang lalaki na ang pagdalo nito ng pamamanhikan ng kaanak ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos mabaril ng suspek, kahapon sa bayan ng Makilala.
Kinilala ang biktimang si Victor Bama Jr., habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Dodong Alcayde, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente ng Barangay Luayon, Makilala Cotabato.
Batay sa report ng Makilala Municipal Police Station, hapon ng Lunes nang maganap ang krimen sa Bagong Silang ng naturang barangay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa pamamanhikan ang biktima kasama ang mga kaanak at pauwi na sana ang mga ito.
Pagdating sa nasabing lugar, bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa tiyan.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Mabilis naman rumesponde ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ayon sa suspek nadamay lamang ang biktima dahil target nito ang ama ng namanhikan na matagal ng may atraso sa kanya.
Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay sa Makilala Provincial Prosecutor’s Office ang suspek./Mary Anne Sapico