CALOOCAN CITY, Philippines – Sa karsel humantong ang tapang ng isang 21-anyos na tambay na inaresto matapos manggulo at manghamon ng barilan sa isang barangay kahapon ng madaling araw sa Caloocan.
Batay sa Caloocan-PNP, nakatanggap sila ng tawag mula sa isa sa mga residente ng Barangay 8 hinggil sa panggugulo ng suspek.
Ayon sa nagrereklamo, isang lalaki na armado umano ng baril ang naghahamon ng barilan, nanakot at naninigaw na nakabulahaw sa natutulog na mga residente sa Sabalo St., sa naturang Barangay.
Dahil dito, rumesponde ang mga tauhan ng SS4 sa lugar na nabanggit kung saan naaktuhan nila ang naturang lalaki na may hawak na baril dakong ala-1 ng madaling araw.
Maingat nila itong nilapitan at nagpakilala bilang mga pulis bago sinunggaban ang hawak nitong isang kalibre .38 Smith & Wesson revolver na kargado ng dalawang bala.
Nang walang naipakita ang suspek na si alyas “Roger” ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay inaresto siya ng pulisya para sampahan ng kaukulang kaso.
Tikom naman ang bibig ng suspek nang usisain ito sa ginawa niyang panggugulo. Inaalam naman ng pulisya kung mayroong rekord ang suspek ng iba pang pagkakasangkot sa iba pang kirmen. (Merly Duero)