PANGASINAN- Tigok ang isang 25-anyos na lalaking nanunungkit ng mangga matapos makuryente nang biglang madikit ang panungkit nito sa isang live wire.
Nangyari ang insidente sa Agriculture Training Institute (ATI) sa Sta. Barbara ng lalawigang ito nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, ang biktima na isang welder ay tubong-Silang, Cavite at nanunuluyan sa mismong compound ng Agriculture Training Institute (ATI) sa naturang bayan.
Base sa pahayag ng mga kasama nito sa trabaho, umakyat sa puno ng mangga ang biktima para mamitas ng bunga.
Habang nagsusungkit ng bunga ng mangga ay aksidenteng nadikit umano sa live wire ang ginagamit nitong panungkit na tubular pipe kaya nakuryente ang biktima at saka nahulog.
Ang biktima ay agad na isinugod sa Urdaneta City District Hospital sa Urdaneta City, Pangasinan.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso