VALENZUELA CITY, Philippines – Swak sa kulungan ang isang lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaan papatayin ang isang pedicab driver makaraan ang mainitang pagtatalo sa Valenzuela City, Sabado ng madaling araw.
Mahaharap ang suspek sa kasong Grave Threats at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek na si alyas “Rudy”, 24.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nangyari ang insidente pasado alas-12:15 ng hating gabi sa Sagip St., Brgy., Arkong Bato ng lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagpahatid ang suspek sa 50-anyos na pedicab driver sa nasabing lugar subalit, hindi umano nito binayaran ang P30 na pamasahi na dahilan upang mauwi ang mga ito sa mainitang pagtatalo.
Bumunot umano ng baril ang suspek at tinutukan ang pedicab driver saka pinagbantaang papatayin kaya sa labis na takot ay kaagad itong umalis sa lugar bago humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 5.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-12:40 ng madaling araw at nasamsam sa kanya ang isang kalibre .45 firearm replica. (Merly Duero)