BACOLOD CITY- HINDI inakala ng isang empleyado ng mall na sa kanyang paglingon dahil tinawag siyang “To” ng hindi pa kilalang gunman saka binaril sa noo, iniulat kahapon, Oktubre 11 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Raymond dela Torre, 28-anyos, Housekeeping Employee sa isang mall sa North Capitol Road, Barangay 6 at residente ng Purok Mabuhay, Ma-ao Barrio, Bago City.
Batay sa report ng Bacolod Police Station 2, naganap ang krimen gabi ng Huwebes sa labas ng mall sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naka-break time ang biktima at umupo ito sa labas ng mall habang nagpapahinga.
Dito, lumutang ang suspek na naghihintay at tinawag ng biktimang ‘To’ sabay lingon ng huli saka ito binaril sa noo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Kwento ng ilang saksi sa krimen, tinawag na ‘To’ ang biktima ng suspek na nakasuot ng helmet saka ito binaril at mabilis na tumakas sakay ng sniper na motorsiklo sa hindi malamang direksyon.
Bago ang krimen, nakapag-kwento pa umano ang biktima sa kanyang mga kasamahan sa trabaho at pamilya na mayroon itong death threat.
Sa ngayon mayroon ng 3 person of interest ang mga awtoridad para matunton ang mga suspek at managot.
Inaalam na rin ang tunay na motibo sa krimen.
Samantala, nasawi naman ang 10-anyos na mag-aaral habang sugatan naman ang pang bata na edad 7 at 10 matapos mahulog sa bangin na may lalim na 15-talampakan ang sinasakyan nilang tricycle sa Sitio Piñahon, Barangay Mina Utok, Calatrava, Negros Occidental, noong Martes.
Ayon kay Police Major Wilfredo Benoman Jr., hepe ng Calatrava police Station, nawalan ng kontrol sa manibela ang 35-anyos na drive ng tricycle dahil sa matinding ulan at madulas na kalsada.
Isinugod naman sa ospital ang mga biktima subalit ideneklarang patay ang isa sa mga ito.
Nagharap naman sa pulisya ang pamilya ng mga biktima at driver ng tricycle para sa desisyon ng magkabilang panig. Mary Anne Sapico