RIZAL, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Taytay, Rizal noong umaga ng Marso 11.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station, bandang 7:45 a.m. ay binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni “Mark” ang Ortigas Avenue Extension patungong Kaytikling.
Pagdating sa tapat ng isang shopping mall sa Barangay San Isidro, nabangga niya ang biktimang kinilalang si “Marcial” na tumatawid sa pedestrian lane.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon at bumagsak sa kalsada ang driver at ang biktima. Rumesponde sa insidente ang rescue team ng Pamahalaang Barangay San Isidro at mga pulis ng Taytay.
Isinugod ang driver sa Rizal Provincial Hospital System para sa gamutan, habang dinala naman ang biktima sa Taytay Emergency Hospital kung saan siya idineklara na dead on arrival.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver at maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. RNT/MND