MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa isang menor-de-edad sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong akusado na si alyas “Eroll”, 30, residente ng San Bartolome, Novaliches, Quezon City at nakatala bilang Top 1 Most Wanted Person sa Valenzuela Police.
Ayon kay Col. Talento, naglabas ng warrant of arrest laban sa akusado ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City, noong October 24, 2025 para sa kasong dalawang bilang ng Statutory Rape, Sexual Assault in relation to RA 7610, at paglabag sa Section 5(B) ng RA 7610.
Nang makatanggap ng impormasyon sina PLt Felix Viernes, OIC ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police na naispatan ang presensya ng akusado sa lungsod, agad silang nagsagawa ng manhunt operation.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng WSS ang akusado sa C.J. Santos Street, Barangay Malinta.
Dinakip ang akusado sa bisa ng nasabing arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa dalawang Statutory Rape habang may inilaang piyansa na P180,000 para sa Sexual Assault at P200K naman para sa paglabag sa Section 5(B) ng RA 7610.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. Merly Duero