MANILA, Philippines – Inatasan ni Senador Raffy Tulfo ang pagpapalabas ng show-cause order laban sa mismong may-ari ng LalaMove sa patuloy na pagbabalewa sa imbitasyon ng Senate committee on public services sa pagdinig.
Sa ginanap na pagdinig nitong Miyerkoles, unang tinanong ni Tulfo, chairman ng Senate committee on public services na nag-iimbestiga sa kanyang privilege speech na pinamagatgang “Road to Perdition” noong Setyembre 16, 2026, kung napaldahan ng imbitasyon ang LalaMove na dumalo sa pagdinig.
Sinabi ng kalihim ng komite na nagpadala ng imbitasyon sa pamunuan ng LalaMove, ngunit hindi pa rin sila dumalo o tumugon sa imbitasyon.
Kaya nasabi ni Tulfo na tatlong beses nang inimbitahan ang LalaMove na dumalo sa pagdinig ngunit patuloy na binabalewala ng logistic company ang kapangyarihan ng Senado.
“Magpalabas na tayo ng show-cause order kung bakit hindi sila dumadalo sa pagdinig, kahit tatlong beses na silang inimbitahan,” ayon kay Tulfo sa pagdinig.
Kasunod nito, sinabi pa ni Tulfo na kapag hindi pa ulit tumugon ang LalaMove sa show-cause order, pagpalabas kaagad subpoena at warrant of arrest sa patuloy pagbelewala sa Senado.
“Kung hindi pa sila dumalo, magpalabas na tayo ng subpoena kasunod na warrant of arrest doon sa may-ari, kapag hindi sila dumalo,” ayon kay Tulfo sa pagdinig.
Sa kanyang privilege speech noong Setyembre 16, 2025, ipinahayag ni Tulfo ang kanyang pangamba tungkol sa kaligtasan sa kalsada, hindi ligtas na pagmamaneho, hindi pare-parehong pagpapatupad ng batas trapiko, at hindi sapat na imprastraktura at pagpapanatili ng kalsada.
Nanawagan ang senador para sa mas ligtas na disenyo ng kalsada, mas maayos na pagpaplano ng transport infrastructure, konsultasyon sa mga apektadong komunidad, at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno.
Binanggit niya ang General Santos City underpass, ang Cabagan–Santa Maria Bridge, at ang EDSA rehabilitation upang ilarawan ang kahalagahan ng pagpaplano ng proyekto, kaligtasang pampubliko, at pananagutan.
Ilan sa pangunahing punto ng imbestigasyon:
Pangamba sa kaligtasan sa kalsada:
Tinukoy ni Sen. Tulfo ang walang ingat at lasing na pagmamaneho, hindi pare-parehong pagpapatupad ng batas trapiko, hindi maayos na pagpapanatili ng mga pampublikong sasakyan, hindi patas na kondisyon sa paggawa para sa mga drayber nito, hindi sapat na edukasyon sa kaligtasan sa kalsada, at substandard na imprastraktura at pagpapanatili ng kalsada.
Mas Ligtas na Disenyo ng Kalsada:
Ipinaglaban niya ang imprastraktura na nagpoprotekta sa mga pedestrian, siklista, at iba pang gumagamit ng kalsada sa pamamagitan ng naaangkop na paghihiwalay ng mga uri ng transportasyon, mga hakbang sa pamamahala ng bilis, malinaw na road markings, sapat na ilaw, at ligtas na tawiran.
Pagpaplano ng Proyekto at Pananagutan:
Nanawagan siya para sa malinaw na pamantayan sa pagtukoy kung kinakailangan ang mga road projects, mga disenyo na tumutugon sa aktwal na pangangailangan sa transportasyon, konsultasyon sa mga local government units at mga apektadong komunidad, at mga hakbang upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko na dulot ng konstruksyon at matiyak ang napapanahong pagkumpleto.
Koordinadong Aksyon ng Gobyerno:
Iminungkahi niya ang whole-of-government approach sa kaligtasan sa kalsada at kahusayan sa transportasyon. Ernie Reyes