Home METRO Landing craft tank, dredger nagsalpukan – PCG

Landing craft tank, dredger nagsalpukan – PCG

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang landing craft tank at isang dredger ang nagbanggaan sa Rosario, Cavite noong Miyerkules, Marso 26.

Walang naitalang nasawi nang magsalpukan ang LCT Nicia at MV Sangko Uno 66 ngunit ang dalawang sasakyang pandagat ay nagtamo ng kaunting pinsala, sabi ng PCG.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, patungo sa Cebu ang LCT Nicia habang ang MV Sangko Uno ay galing sa Zambales at patungo sana sa reclamation site sa Pasay nang mangyari ang aksidente.

Nag-deploy ang PCG ng response team para i-secure ang lugar.

Sa kabutihang-palad, walang oil spillage ang namataan sa paligid ng tubigan ng Rosario.

Ipinag-utos na rin ni PCG Commandant, Adm. Ronnie Gil Gavan na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente upang matukoy kung ano ang sanhi ng banggaan.

Patungo na ang LCT Nicia at MV Sangko Uno sa Maynila para sa marine casualty investigation (MCI) na isasagawa ng Coast Guard. Jocelyn Tabangcura-Domenden