MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang naging hatol kay dating Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge “ER” Ejercito Estregan na makulong ng walong taon matapos mapatunayang guilty sa kasong katiwalian.
Sa desisyon ng SC First division, kinatigan ang desisyon ng Sandiganbayan na nilabag ni Ejercito at ni Marilyn M. Bruel, may-ari ng First Rapids Care Ventures (FRCV) ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa ilegal na paggawad ng kontrata sa FRCV.
Nabatid na dahil walang lisensya bilang insurance company ang FRCV, hindi rin dumaan sa public bidding ang kontrata.
Bukod sa hatol na kulong, bawal na ring pumasok sa government service si Ejercito.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng United Boatmen Association of Pagsanjan (UBAP) kung saan inakusahan si Ejercito at iba pang lokal na opisyal ng paggawad ng kontrata sa FRCV nang hindi idinaan sa public bidding.
Sa ilalim ng kontrata, ang FRCV ang maglalaan ng accident insurance para sa mga turista at boatmen sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone, kahit walang lisensya ang FRCV mula sa Insurance Commission.
Kinontra ng SC ang depensa ni Ejercito na ang FRCV ang tanging service provider na kwalipikado at ang contract ay para sa special services at hindi insurance.
Iginiit ng korte na ang kontrata ay malinaw na para sa insurance kaya nasa ilalim ito ng classification na “goods” na kailangang dumaan sa public bidding salig sa Government Procurement Reform Act.
Sinabi ng SC na binigyan ni Ejercito ang FRCV ng hindi makatarungang kalamangan.
Samantala, inabswelto ng SC ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan dahil sa kakulangan ng ebidensya na nagpakita ito ng pagkiling sa FRCV. Teresa Tavares