Home HOME BANNER STORY Larawan ng Bamban mayor kasama si PBBM lumitaw

Larawan ng Bamban mayor kasama si PBBM lumitaw

MANILA, Philippines- Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado na ang kanyang mga larawan kasama ang kontrobersyal na Bamban mayor na si Alice Guo “prove nothing,” at sinabing hindi siya tumatanggi sa mga nais magpakuha ng larawan kasama siya.

Inihayag ito ni Marcos Jr. nang hingan ng komento hinggil sa post ni Guo kung saan makikitang nasa isang event sila, matapos maunang sabihin ng Pangulo na hindi niya kilala ang alkalde na nasasangkot sa illegal Philippine offshore gaming operations. 

“That proves nothing. You know how many pictures I take during a campaign? Siguro isang libo sa isang araw,” pahayag ng Pangulo sa sidelines ng isang event sa Makati. 

“Lahat naman ng humihingi ng selfie hindi ko naman hinihindian so it doesn’t really mean anything,” dagdag ni Marcos.

Inihayag ng Pangulo na wala pang “definitive conclusions” hinggil sa imbestigasyon ng Ehekutibo sa Bamban mayor na nagsabing hindi niya alam kung bakit nairehistro lamang ang kanyang birth certificate noong siya ay 17-anyos na.

Nauna nang hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Office of the Ombudsman na suspendihin ang Bamban Mayor na nasa sentro ng kontrobersiya matapos hindi masagot ang mga tanong ukol sa kanyang pagkakakilanlan sa isang Senate inquiry. RNT/SA