Home NATIONWIDE Larawan ng mga kandidato ‘di na isasama sa balota sa Bangsamoro poll...

Larawan ng mga kandidato ‘di na isasama sa balota sa Bangsamoro poll — Comelec

(via Danny Querubin)

MANILA, Philippines – Hindi na itutuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang plano nito na isama ang larawan ng mga kandidato sa opisyal na balota para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Oktubre 13.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ito ay dahil kakaunti lamang sa humigit-kumulang 100 na BPE candidates ang nagsumite ng kanilang larawan.

Ayon kay Garcia, tatlong beses sinulatan ang mga kandidato upang makapagsumite ng kanilang larawan, ngunit nasa 20 lamang ang tumugon.

Sa halip na larawan ng mga kandidato, sinabi ni Garcia na ilalagay na lamang ang logo ng political parties sa opisyal na balota.

Sinabi pa ni Garcia na pito lamang ang political parties at lahat ng ito ay nagsumite na ng kanilang logo.

Nauna nang sinabi ng Comelec na magsisimula na ang pag-iimprenta ng mahigit dalawang milyong balota para sa BPE sa Agosto. Jocelyn Tabangcura-Domenden