MANILA, Philippines – Inutusan ng Department of Transportation (DOTr) ang NLEX Corporation na itigil ang paniningil ng toll sa northbound lane ng Marilao, Bulacan.
Ito ay matapos ang trahedya kung saan muling nabangga ng trak ang Marilao Interchange Bridge, dahilan para bumagsak ang isang beam sa kasunod na sasakyan at ikamatay ng isang 54-anyos na pasahero.
Anim ang nasugatan, kabilang ang isang batang dalawang taong gulang.
Binanatan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang NLEX dahil sa paulit-ulit na insidente ng mga overheight na sasakyang bumabangga sa imprastruktura, na tinawag niyang “malubhang kapabayaan” at “paglabag sa tungkulin sa publiko.”
Inatasan ng DOTr ang NLEX na magbigay ng tulong pinansyal, medikal, at logistikal sa mga biktima at magsumite ng konkretong plano para sa seguridad ng buong expressway sa loob ng 10 araw. Kailangan din nilang magpaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa.
Mananatiling libre ang toll sa apektadong bahagi hanggang maayos at mapatunayang ligtas ang tulay. Babala ng DOTr: maaaring masuspinde o tuluyang bawiin ang prangkisa ng NLEX kung hindi sila sumunod. RNT